Miyerkules, Hunyo 8, 2011

Alaala Nang Magpaalam si Ina

          “Huwag na huwag kayong mag-aaway ha, alagaan mo ang iyong mga kapatid… Magmahalan kayo mga anak,” ito ang mga salitang niyang hanggang ngayon ay mistulang umalingawngaw at bumingi sa akin pandinig.
            Napakaganda ng kaniyang ayos ngayon, ang kaninang suot niyang luma at kupas na dilaw na t-shirtay napalitan na ng isang puting saya. Gawa iyon mula sa nilalang hibla ng pinya. Palibhasa’y walang muwang sa mga nangyayari noong mga oras na iyon, hindi ko alam kung saan galing ang damit niyang suot na iyon. Ang tanging alam ko ay wala na siyang damit na naiwan sa aming bahay. Ito ay matapos sunugin ni ama ang mga naiwan niyang damit magmula noong nagpasiya silang maghiwalay.

“Ibang-iba na siya ngayon.Malayong-malayo sa kanina"

            Kapansin-pansin ang kaniyang kole-rete sa kaniyang humpak na mga pisngi. Mapula ang mga ito at ganoon din ang kaniyang labi. Ngayon ko lamang siya nakita sa ganoong anyo. Hipid na hipid ang kanyang maitim na buhok.

“Ibang-iba na siya ngayon, malayong-malyo sa kanina.”

            Ilang taon na din nang huling beses ko siyang nakitang ngumiti. Isa… Dalawa… o tatlong taon… Hindi ko na halos maaalala.
            Hinang-hina ang buo kong katawan ng mga sandaling iyon. Pakiramdam ko’ y napakabagal ng paglipas ng oras. Dulot ng walang humpay na pag-iayak, halos mamaga ang aking mga mata. Sa tuwing ipipikit ko ang mga ito’y mukha niya ang paulit-ulit na dumadalaw.
            Nanag mga sandaling iyon, may ilan na ding mga kapitbahay naming ang nagtungo sa aming bahay na noon ay kababagong tirik pa lamang. May mga ingay na nagmumula buhat sa labas ng aming bahay. May mga naawa sa amin, ang ilan ay nagulat sa balita, samantalang ang iba nama’y nakitsismis lamang.
            Noon din lamang nagkaroon ng ganoong liwanag sa aming bahay, palibhasa’y sanay sa ilaw na gasera nanibago ako sa ilaw na iyon ng fluorescent.
            Palibhasa’y biglaan ang nangyari, hindi din tipikal na tag-roon sa kinalakhan kong lugar ang aking ina, nagpadala pa ng mga imbestigador an gaming punong barangay upang magsiyasat sa tunany na nangyari.
            Naaalala ko habang kinakapanayam ako ng mga imbestigador iyon ang huling pagkakataong nakita ko siya sa labas ng kanyang bagong bahay.
            Matapos ang hapunan, pinagpalit ako ng puting damit ng aking lola, Dahilan ng sobrang pagod, nakatulog ako sa katri naming sa kuwarto- matigas at yari sa kawayan.
            Habang lumalalim ang gabi, lalo akong nilalamon ng aking kaba. Palakas nang palakas ang kabog sa aking dibdib. Hindi ko alam kung bakit ko kailangang kabahan o matakot ngunit iyon ang emosyong nangibabaw sa akin ng mga panahong iyon.
            Mga bandang alas-otso ng gabi ng dumating sina ama kasama ang tiyahin kong si Tiya Billy at ang ninang ko sa Boy Scout na si Ninang Lina, pero mas malapit siya sa amin dahil sa pinsan siya ni ama. Bagama’t madilim ang dinaraanan nila, natatanaw kong anim na lalaki ang nagbubuhat sa kaniya. Samantalang ang iba naman ay nakaalalay naman. Ang ilan naming kababaihan ay mga nagsilbing tagapaghawak ng ilawan. Lalong tumindi ang aking kaba. Noo’y nakita ko sa isang sulok ang aking panagalawang kapatid na si Lucy na umiiyak sa sulok. Tipikal na matigas ang kalooban ni Lucy pero kinakitaan ko siya ng pagpapakumbaba ng mga sandaling iyon, noo’y nasaksihan ko ang panghihina ng kanyang kalooban.

             Noong una, hindi ko nilapitan ang kahong kaniyang kinalalagyan. Marahil dahil sa natatakot ako. Pero dahil sa pagpipilit ng Nanay Merly, ang kaibigan ni nanay na tinuluyan niya noong lumayas siya sa bahay, dahil sa kaniyang pakiusap nilapitan ko si nanay. Napahagulgol ako nang makita ko siya. Walang patid ang aking pag-iyak. Halos yakapin ko ang kahong iyon. Noon ay wala man lang ‘ni isa ang lumapit sa akin upang damayan. Wala ‘ni isa akong nakapitan ng mga sandaling iyon. Nang- hihina ang aking buong katawan.
            “Inay ko po! Inay!” Ito ang malalakas kong hiyaw.
            “Bakit ito nangyari? Diyos ko po!”
            Mas lalaong lumakas ang aking iyak. Noon ay awang-awa ang naramdaman ko para sa aking ina. Ganoon din ang pagtatampo sapagkat maaga niya kaming iniwan. Maging ang gusot sa aming pamilya ay hindi na din naging maayos pa.
            Ilang sandali pa ang lumipas. Unti-unting naging Malabo sa akin ang mga nangyayari. Pandaliang naging malabo ang aking paningin. Hanggang sa isang imahe ng batang lalaki ang bumulaga sa akin. Pilit kong inaalala ang batang iyon. Tila ba matagal ko na siyang kilala. Pilit kong inaalala.
            Tama.
            Isang batang lalaki, malaki ang kaniyang mga mata at ang mga ito ay bahahagyang nakaluwa, palagay ko’y pito hanggang walong taong gulang. Humpak ang kaniyang madungis na pisngi. Payat ang pangangatawan. Kayumanggi ang kulay ng kaniyang sugatin balat. Flat top ang gupit ng kaniyang buhok. Sipunin at madungis.
            Palagi kong naririnig ang kaniyang malakas na pag-iyak gaya ng atungal ng isang inahing baka na ninakawan ng anak sa luno. Ang kaniyang nagmamakaawang mga hiyaw.
            Hampas dito, hampas doon. Sipa sa tiyan, sipa sa likod, at mga dagok. Tulak, bato nang kung anu-anong mahagip na bagay. Mga paulit-ulit na palo at masasakit na salita.
            May mga pagkakataongnakikita ko siyang lumalabas ng kanilang kubong bahay, habang buhat at pinipilit aliwin ang bunso nitong kapatid- isa’t kalahating taong gulang. At kasunod ang pangalawa nitong kapatid. Bahagyang mataba kung ikukumpara sa batang lalaki. Marumi ang mga kamay na palaging nakasubo sa bibig nito. May mga pagkakataong hindi magkandaugaga sa pag-aalaga sa kaniyang dalawang kapatid ang nabanggit na batang lalaki. Hindi niya alam ang kaniyang gagawin sa tuwing umiiyak ang kaniyang mga alagang kapatid. Kung minsan, ipinagtitimpla niya ito ng pinakuluan giniling na bigas  o hindi kaya’y bigas na malagkit  na siyang ipinasususo niya sa kaniyang bunsong kapatid. Tinatamisan ng asukal ngunit mas madalas kung wala ay asin.
            Sa mga pagkakataong hindi maawat sa pag-iyak ang bunso niyang kapatid, marahil ay alam na niya ang maaari niyangkahinatnan sa kaniyang ina, latay na katawan. Ngunit kung minsan hindi lamang latay na katawan ang sinasapit niya sa ina, mas malamang ay mga mura.

“Putang ina mo… Hayop ka… Walang kuwenta…”

“Inay tama na po! Inay hindi na po mauuulit,” ang sunod-sunod na pagma-makaawa ng bata sa kaniyang ina.
            Minsan nakita ko siyang abala sa pagpapakain ng kaniyang mga kapatid; mga bandang alas-diyes iyon ng umaga, batid kong iyon na marahil ang agahan at tanghalian nilang magkakapatid. Habang ang pinagsasaluhan ay lkaning lamig na natira pa kinagabihan. Nahabag ako sa kalagayang iyon ng tatlong bata gustuhin ko man ang tumulong ngunit wala akong maaaring maitulong sa kanila. Namangha ako sa pagtitiis at disiplina sa kabila ng murang edad na tatlong batang iyon. Napansin ko din ang mga luhang tila ba nangbabadya sa kanilang mga mata.
            Hindi gaya ng ilang mga batang kilala ko at madalas ay nakakasalamuha ko, yaong Malaya nilang nagagawa ang kanilang mga naiisin, malayang naka-paglalaro at masasaya habang may mga hawak na laruan. Taliwas ito sa sitwasyon ng batang lalaki at ng mga kapatid nito, bawal sa kanila ang maglaro o kahit ang makipaglaro sa ibang bata. Kahit ang makipanood sa mga batang naglalaro ay bawal din sa kanila. Isa pa sa masakit na pangyayari sa buhay ng mga batang iyon ay madalas pa siylng kutyain ng ibang bata.
            “Malaking  mata!’
Ang bansag ng ilang bata sa batang lalaki. Nariyan din ang mga salitang palaboy at mabaho na paulit-ulit na panunukso ng ibang bata.
Sa paulit-ulit na araw, umiikot lamang ang buhay ng tatlong bata sa apat na sulok ng kanilang bahay, may kalumaan na ito sapagkat minana pa ito sa mga magulang ng kanilang ama ganoon din ang lupang kinatitirikan nito. Ngunit nang lumaon ay ipinagbili sa iba. Naglalaba, naghuhugas ng mga pinggan at pag-aalaga ng nakababatang kapatid.
Samantang ang kanilang ina ay unti-unting nalululong sa sugal. Nakiki-pagsabayan sa mga kasamahan niyang buhay sa maghapon ang paglalaro ng baraha. Habang ang kanilang ama ay abalang-abala sa pagbungkal sa nakikigamit na bukid. Nagpapaupa ng pag-aararo, nakikiani sa panahon ng ani, nakikitalok at nanghihimalay.
Nakalulungkot isipin na pati sa ilang bisyo ay nahulog na din ang kanilang ina gaya ng alak at sigarilyo. Ang ina na sana ay mag-aaruga sa kanilang magkakapatid at magpaparamdam ng pagmamahal.
            Isang hapo noon, umuwing talunan mula sa sugalan ang kanilang ina. Palibhasa’y talo, mainit ang ulo nito sa kaniyang mga anak lalo’t higit sa panganay. Gutom mula sa maghapong pakikipagsugal ngunit wala siyang dinatingang pagkain. sa sobrang galit ay minura niya ang sariling mga anak. At hinablot sa damit ang batang lalaki, noo’y kinaladkad sa harap ng kanilang bahay ang bata. Nahalik sa lupa ang bata. Sinipa niya ito ng makailang ulit. Hindi gaya ng dati, hini na ngayon umiiyak ang bata, maging ang mga pagmamakaawa ay hindi na lumalabas sa bibig ng bta. Iyon marahil ay pagod na siya. Pulos awa sa sarili ang kaniyang naramdaman mula sa kamay ng sariling ina. Bata pa lamang ngunit hinog na. Paulit-ulit ang pagtadyak hanggang sa isang malaks na ubo ang aking narinig noon. Ubo iyon ng batang lalaki, noo’y naramdaman niyang hindi lamang laway ang likidong nasa bibig niya, sa pag-ubo niyang iyon ay sinundan iyon ng pagsusuka, at dugo ang kaniyang isinusuka. Nagulat ang ina ng bata, hindi niya alam ang gagawin. Tinangka niya ang humingi ng saklolo mula sa kanilang mga kapitbahay ngunit nabigo siya. Nawalan ng mala yang bata. Nasaksihan iyon ng dalawa pa niyang kapatid, at sa kabila ng murang kaisipan awa ang naramdaman nila para sa kanilang kuya.
            Kung may tanging naawa sa kalagayan noon ng batang lalaki ay ang kapitbahay naming si Nanay Ibeng.
            “Ay sus! Kaaawa-awang bata ito. ano bang naisipan at gusto mo nang patayin ang sarili mong anak ha, Mina?” Ang nagtatakang tanong ni Aling Ibeng.
            Nang lumaon ay nalaman din ng kanilang ama ang tunay na nagiging kalagayan ng kaniyang mga anak sa tuwing magtutungo siya at gagawa sa bukid sa pamamagitan na din ng mga impormasyong nakarating mula sa kaniyang mga kamang-anak. Dahilan upang maghiwalay ang mag-asawa at muntik ng ikasira ng kinabukasan ng tatlong bata.
            Unti-unting lumabo ang aking pa-ningin. Isang malabong liwanag ang muling naaninag ko. Kasabay nito ang paglalaho ng imahe ng batang lalaking iyon.
Isang tinig ang aking narinig mula sa aking pagkakasubsob sa ibabaw ng kahong iyon.

“Anak, anak. Sige na matulog ka na. Magpahinga ka na,” ang wika ni Nanay Merly.

             Paulit-ulit kong naririnig ang tinig niyang iyon. “Huwag na huwag kayong mag-aaway, mahalin niyo ang isa’t isa.”
Siyam na taon na ang nakalilipas nang mangyari iyon ngunit sariwang-sariwa pa sa aking alaala ang pangyayaring iyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento