Miyerkules, Hunyo 8, 2011

Halimaw



Humayo ka sa naghihikahos mong bayan
habang dala-dala ang sulo ng pag-asa
sa lalim man ng sugat ng embalsamado mong katawan
tinarakan man ng gintong punyal ang iyong nakaraan
nilunod ka man ng iyong kasawian
ulila man ang iyong kaluluwa
ang sulo mong tangan
sa mabagsik na hangin huwag pabayaan
nasaksihan mo man sariling karangalan
ang agawin ng walang tugong paglaban
ang bulong ng kaligayahan
matatamasa, huwag mag-alinlangan
inusig man ang bango mong taglay
palitan man ng baho, yaong amoy patay
ipagpatuloy ang labang iyong kinatatayuan
ang liwanag ma'y sandaling 'di isilang
huwag mong ipalamon ang taglay mong tapang
 sa mga halimaw na panghimagas ay bangkay...


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento