Miyerkules, Hunyo 8, 2011

Ayaw Kong Idilat ang Aking mga Mata



Ayaw kong idilat
aking mga mata
kung makikita nito
kapwa ko Pilipino
nagpapatayan sa isa’t isa
nakalarawan
mga kaapihan
nitong mahihirap na mamamayan
mga harana ng dusa
ang pag-asa gaya
ng isang bangkay
na nilalamay
na maging mailap
sa guhit
ng maruming palad
mga yagit
nakikipagpatintero
sa mga lansangan
kilik ang latang kinalawang
malawak na barung-barong
sa gilid
ng ilog Pasig
matatayog na pagawaan
mga iskinita
at estero
o pugad ng basurero
animo’y alpombrang nakalatag
mga dagok
sa mga api
mga kababaihan
inalisan at isinugal  ng dangal
ipinagpalit
matugunan ang pangangailangan
sampal man
ay katotohanan
mga nakabalandra
at umaalingasaw
na sistema
sa pamahalaan ganap na kapangyarihan
nitong mga kapitalista
langit ang humusga
haranang kinanta
nakaluhod
tikom ang tuhod
nagmamakaawang salat
ayaw kong idilat
aking mga mata
kung ito ang telon
itatampok na opera…




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento