Buhat sa pagluhod ng liwanag
dala ng bukang liwayway
hanggag sa pangungulila
nito sa sulok ng kanluran
magkasamang hahagkan
ang pagsibol ng bagong buhay
sakit man ng nakaraan
ang sa iyo'y humulma
pinatay ang butihin mong mga anak,
maawain mong asawa
halika't ating iguhit
ang idinidikta ng panaginip
hindi kita masisisi
kung minsang makaligtaan ang langit
sa kapalarang ipinatikim ay pait
at idinilig ang luha
sa iyong pangungulila
ang ipinaglabang katarungan
hustisyang niluhuran
ngayo'y kinamkam,
sa magkanong katwiran?

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento