Miyerkules, Hunyo 8, 2011

Hihipan Kong Trumpeta ay Guguhit ng mga Haranang may Melodiya ng Hipnotismo



Mga Pintang Walang Kulay

Gaya ng isang sugat
nagnanaknak…
sukdulan ng pangarap
matayog pa ang naapuhap
sa nasisilip na ulap
sa hipnotismo ng pagnanasa
sintunado ang tinipang harmonya
sa pandinig kumalikot
sa balintataw nagmukmok hanggang sa mabulok
sa operang umakto ang antagonista
protagonista ang inalipusta
sa hipnotismo ng lasong pagnanasa
kaluluwa ko’y sinunog
sa batong masa pinino…
dinurog
nilunod sa likido
pinintahan ng tunggalian
sa pantas ng arkanghel at demonyo
dunong ko’y inupos ng lasong asido
hanggang sa maging pinlid na trigo
katinuan ko’y nawalay
sa katawang lupa
nabaon sa hukay
inuod…
amoy ay umalingasaw
nanoot sa sikmurang sa gutom lumalaylay
ngayo’y nais kumala

sa hukay ibig makidigma
nais takasan ang hipnotismo
subalit walang lakas,
katawa’y luho
wala ng luha sa aking mga busilig
budhi ko’y wala ng ligalig
wala ng lakas,
inimpok sa bisig
tahana’y hindi iginalang
tinalikdan ang mga magulang
nagkubli sa kabutihan
ay! Ako’y nilalaman ng kahangalan
sa bangungot na ito nais ng magising
sa hipnotismong nanlalansing
sa kabutihan, nais ng magpaubaya
sipatin ang kabutihan
sanga-sangang talim ng pagpapakahulugan
sinong babaylan,
saklolo ay hihingan
anong salamangka,
mag-aahon sa kamatayan
ngayon! aking binalikan
ang kanyang kabanalan ng isang estranghero
nakapako ang kanyang mga paa’t kamay
habang ang kanyang mga mata’y nakabulusak sa kalupaan
habang ang ulo
duguang nakalupaypay
at ako’y payapang humabi ng sandangkal na dasal...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento