Miyerkules, Hunyo 8, 2011

Pia Montalban



Habang daladala
mga plakard sa Mendiola
ang mga umaalingawngaw
na mga panawagan
kinakatawan
mga tunay na hangarin
ng bayan
habang lumuluha
habang sumisigaw
itinatanghal
mga panambitan
ng mga taong walang ipanglaman
sa inuuod na tiyan
mga nakatihayang ilaw ng tahanan
humpak ang pisngi
walang tinig ang panawagan
mga nangangarap
nguni’t nagpapatuloy na
umaasa sa kawalan
ang mga beranda ng mga alaala
ng mga kabataan
na sila ang pag-asa
na sila ang antagonista
sa lipunang unti-unting nilalamon
ng mga pagpapanggap
sa mga nagpapatuloy sa pagpapahirap
mistulang krusada
ang mga hagupit
ng latigong malupit
ng mga kapitalistang
sa api’y lumalait
pilit
bumibigti sa leeg ng sambayanan
mga lintang umuubos
sa kaban ng bayan
sa naghihingalong
lipunan
sa mga abang kandong na kalunos-lunos
mga abang nakalungayngay
ninilay
kalumbay-lumbay
saan matatagpuan ang pang-adyang kamay
mga tigang na lalamunan
naghihikahos sa buhay
mga kundangang habag
mga nakagapos na pangarap
luhang lumalagasgas
matalim na katotohanan
maralitang tubig…

4/22/11 l.a.j.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento