Huwebes, Hunyo 9, 2011

Elehiya ng Pahimakas

Lubhang kaylupit ng iyong Disyembre
umaalingasaw ang amoy ng kalawang
ng mga baril; nakaungos sa iyo
lalong lumamig ang amihan,
ang luntiang mga damo'y dinilig
ng dugo at luha mula sa busilig
lumuluha; nagluluksa ang taumbayan
sa pagpaslang na nasaksihan
nalagutan ka ng hinanga
nakalayaan nitong aping bayan
ang iyong ipinagdarasal
isang hamon sa kabataan
na ang pag-asa sa kinabukasan
sila ang iyong hinabilinan
sinagot mo ang bugtong
ng kalapastanganan...
tinugtog mo ang sonata
ng paglaban sa kabuktutan
ngunit sa walang dugong
dumdanak na paraan
ang plumang iyong pananggalang
tila talim ng isang kampilan
tinawid mo ang mapanganib
na banwa ng kadkilaan
at nadama ang epidemya ng kasawian
subali't ito ay iyong naungasan
ng iyong mga pagpaparayang
kapwa mo Pilipino ang inaalayan...

*alay sa ika-150 taong kaarawan ni Doktor Rizal

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento