Miyerkules, Hunyo 8, 2011

Makata



Para kanino ka
pumapanday ng mga titik?
sa mga panambitan ng mga taong dumadalangin ng katwiran
handog sa mga personang
inalipusta sa sementadong lipunan
lipunang pinamumugaran
ng mga nagpapanggap
na kaligayahan
at sa mga nagpapatuloy
sa pakikibaka para sa patas na karapatan
sa mga alipores ng kapitalista
mga pumopoon sa imperyalista
sa mga walang pusong
politikong buwaya
sa mga nagpapakabusog
sa kwarta ng bayan
mga taong nakahiga
at nagpapakarataysa katri
ng nakaw
na kayamanan
sa mga impostor
na kakampi ng sambayanan
yaong dyablo ang likuran
haling ang bitukang taglay
sa mga Ebang
inalipin ng kahalayang mga kaisipan
hinubdan ang dangal
ng makasalang mata ng lipunan
pumapanday ng titik
para sa mga tagasunod ng mga hacienda
gumigiling ng asukal
na walang lasa
sa mga mambabatas na bulag
sa pagsipat ng patas
para sa mga nanay
na suso’y walang mapigang gatas
mga amang nagdarasal
sa sugalan
sa mga taong unti-unting pag-asa
ay naaagnas
kaloob ng pagnanasang
muling maisilang ang magandang bukas…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento